Gobyerno, may magagawa para solusyunan ang pagtaas ng presyo ng bilihin

Iginiit ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na hindi inutil ang gobyerno at siguradong may magagawa ito para solusyunan ang sobrang pagtaas sa presyo ng mga bilihin lalo ng baboy at manok.

Tugon ito ni Pangilinan sa report na ang sobrang pagtaas ng presyo ng baboy, manok, gulay at prutas ay dulot ng African Swine Fever (ASF), mga bagyo at umano’y price manipulation.

Iminungkahi naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto bilang solusyon ang pataasin ang produksyon ng mga magsasaka.


Diin ni Recto, may budget ang Department of Agriculture o DA para matulungan ang mga magsasaka.

Suhestyon naman ni Senator Imee Marcos, unahin munang bilhin lahat ng domectic supply bago ikonsidera ang importasyon.

Ayon kay Marcos, makabubuting gamitin ng DA ang Quick Response Fund (QRF), contingency fund at iba pang pondo na makapagbibigay benepisyo sa mga magsasaka at mga kaawa-awang consumers.

Binanggit din ni Marcos na maaring gamitin ng DA ang P24 bilyon na nasa Bayanihan 2 para ipambili sa ani ng mga magsasaka at ipamahagi ito sa depressed urban areas.

Facebook Comments