Gobyerno, may sapat na pondo para sa repatriation ng mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan sa Sudan

May sapat umanong pondo ang pamahalaan para sa repatriation ng mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan sa pagitan ng Sudanese army at paramilitary na Rapid Support Forces sa Sudan.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, mayroong P3 billion na pondo ngayong taon ang gobyerno na maaaring gamitin sa repatriation efforts ng mga kababayan sa nasabing bansa.

Giit ni Gatchalian, hindi isyu ng gobyerno ang pondo kundi mas mabigat na hamon ang pagtiyak sa ligtas na pagtawid sa mga Pilipino mula sa Sudan patawid ng Cairo, Egypt at kung paano makikipag-ugnayan sa mga Pilipino lalo’t mahina ang telecommunications doon.


Kung kakailanganin pa ng dagdag na pondo para sa repatriation ng nasa mahigit 400 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Sudan, sinabi ni Gatchalian na maaaring mag-apruba ang Kongreso ng supplemental budget o kaya naman ay i-tap o gamitin ang budget ng ibang tanggapan.

Aniya pa, maging ang presidente ay maaaring i-tap ang calamity fund o ang iba pang discretionary funds na maaaring pangsuporta sa repatriation efforts ng mga Pilipino na naiipit sa krisis sa Sudan.

Facebook Comments