Gobyerno, may sapat na pondo para tulungan ang mga biktima ng Bagyong Odette

Iginiit ni Albay Rep. Joey Salceda na mayroong sapat na pondo ang pamahalaan na maaaring hugutin o gamitin upang matulungan ang mga lugar na malubhang sinalanta ng Bagyong Odette.

Ilan aniya sa mga pondo na maaaring gamitin agad ng pamahalaan para masuportahan ang mga kababayang sinalanta ng bagyo ay ang quick response fund sa ilalim ng Republic Act 10121, National Disaster Risk Reduction Management (NDRRM) Funds, at ang Contingent fund ng Pangulo.

Base aniya sa pinakahuling budget report, mayroon pa aniyang P6.5 billion na available funds mula sa NDRRM at President’s contingent funds.


Dagdag pa rito ang Presidential Social Fund na may P2 billion mula sa ini-remit ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na maaaring i-mobolize para tulungang makabangon ang mga biktima ng kalamidad.

Bukas din aniya ang Kongreso para tulungan ang pambansang gobyerno na i-reprogram ang ilang mga pondo ng mga ahensya na may malaki pang balanse upang magamit sa mga sinalanta ng Bagyong Odette.

Facebook Comments