Sampung bilyong piso ang purchase order na nakuha ng Pharmally Pharmaceuticals Corp. mula sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Sa ika-11 pagdinig ngayon ng Senate Blue Ribbon Committee ay sinabi ni Pharmally Corporate Secretary Mohit Dargani na P8.5 billion na ang kanilang nakolekta.
Ayon kay Dargani, may natitira pang P1.5 billion pesos na balanse o hindi pa nababayaran sa Pharmally ang gobyerno.
Tinanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Dargani kung irerekomenda ba nito sa board ng Pharmally na huwag munang kolektahin ang natitirang P1.5 billion hangga’t may imbestigasyon sa nakikitang mga iregularidad sa kanilang transaksyon sa gobyerno.
Pero diin ni Dargani, nai-deliver naman nila ang lahat ng mga COVID-19 supplies na in-order ng pamahalaan kaya dapat silang mabayaran.