Iginiit nila ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro na muli nanamang na-trap sa patibong ng China ang Pilipinas matapos na ipagkibit balikat at ituring ni Pangulong Duterte na maliit na insidente lamang ang nangyaring pagbangga ng Chinese Vessel sa bangkang pangisda ng 22 mga Pilipino.
Ayon kina Tinio at Castro, isang trap ang ginagawa ng China para malaya nilang magagawa ang anumang gusto sa ating pinangangalagaang teritoryo na mistulang bukas na bukas naman ang bansa para dito.
Isang malaking pagkakamali din ang mga binitawang salita ni Pangulong Duterte tungkol sa insidente na tila pumapanig pa sa China at sinasabi pa ang kahinaan ng bansa.
Hindi aniya ganito ang klase ng pakikipagkaibigan na nais ng mga Pilipino dahil responsibilidad dapat ng pamahalaan na protektahan ang kanyang mga tao at ang bansa.
Malinaw din sa mga pahayag ng Pangulo ang pagabanduna nito sa kanyang mga tao at pagiging sunud-sunuran sa sasabihin at naisin ng China.