Nagdeklara ng giyera ang pamahalaan laban Sa Child Pornography at Child Online Exploitation.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Justice Sec. Jesus Remulla na bumuo na sila ng Inter-Agency Task Force (ATF) at magtutulungan ang iba’t ibang ahensiya ng gobyermo para matigil na ang ganitong krimen sa bansa.
Naniniwala ang mga kinauukulan na lumalala ang child pornography at online child sexual exploitation, kung saan ang Pilipinas ang biktima at ang mga predator ay mga dayuhan sa ibang mga bansa.
Lumalabas sa record ng mga ahensiya ng pamahalaan na karamihan sa mga dayuhang parokyano ng ganitong mga uri ng cyber materials ay mga European.
Ayon naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos na lumalabas na number one ang Pilipinas sa buong mundo sa online child pornography kung saan ang mga batang walang kalaban laban ay nagagamit mismo ng mga magulang para pagkakitaan.
Sinabi naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na matagal nang problema ito sa bansa, hindi lamang natutugunan dahil naging abala ang gobyerno sa ibang mga bagay tulad ng pandemya ng COVID-19, war on drugs, terorismo at graft and corruption.
Nakalulungkot aniya na natatabunan ang isyung ito kaya lalo pang dumami ang mga kaso sa nagdaang 2 taon ng pandemya.