Inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na naglaan ang gobyerno ng P152.35 billion budget para sa implimentasyon ng convergence program sa climate change adaptation at disaster risk reduction sa susunod na taon.
Ang DENR ang tagapamuno sa Cabinet Cluster on Climate Change Adaptation, Mitigation and Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR).
Ayon kay DENR Undersecretary for Finance, Information System and Climate Change Analiza Rebuelta-Teh, ang naturang pondo ay nakapasailalim sa 2021 National Expenditure program na isinumite sa kongreso.
Ang halagang ito ay mas mataas ng 30 porsyento sa P117 billion na inilaan para sa programa ngayong taon.
Ang pagtaas ay dahil na rin sa pag-align ng mga programa at aktibidad para sa mga priority policy, strategy at proyekto ng Inter-Agency Task Force Technical Working Group on Anticipatory and Forward Plan para sa “new normal” ng CCAM-DDR sector.
Ang panukalang pondo ay gagamitin sa pagpapatayo ng resilient at sustainable communities habang ang bansa ay dumadaan sa Coronavirus crisis.
Layunin ng Risk Resiliency Program (RRP) na maitaas ang antas ng adaptive capacities ng vulnerable na komunidad.
Matiyak ang sapat na suplay ng hangin, tubig at iba pang likas yaman at maiangat ang katatagan ng critical infrastructures.
Para sa susunod na taon, prayoridad ng RRP ang 14 climate vulnerable provinces na nanganganib sa pagtaas ng sea levels, malalakas na pag-ulan, mainit na panahon at pagtaas ng ocean temperature na nakapipinsala sa resources supply.
Kabilang sa mga probinsiyang ito ang Masbate, Sorsogon, Negros Oriental, Western Samar, Eastern Samar, Sarangani, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Islands, Southern Leyte, Zamboanga del Norte, Bukidnon, North Cotabato at Sultan Kudarat.
Kasama rin sa programa ang apat na major urban centers na Metro Manila, Metro Cebu, Metro Iloilo at Metro Davao.