Inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order o SARO na may halagang ₱25.16 bilyon para sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ang pondong ito ay para sa isang taong health insurance premiums ng nasa 8.4 milyong kwalipikadong mga mahihirap na Pilipino na miyembro ng PhilHealth.
Ayon kay Pangandaman, inaprubahan ang pagpapalabas ng pondo dahil nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tiyaking mabibigyan ang bawat Pilipino ng abot-kayang health care.
Sinabi pa ng kalihim, pinamulat ng pandemya ang kahalagahan ng mas matatag na health care system, kaya’t pinagsisikapan ng gobyerno na ilapit ito sa mga mahihirap na Pilipino.
Ang mga indigent person ay ang mga walang hanapbuhay o kaya naman ay hindi sapat ang kita para sa mga pangangailangan ng pamilya na tinukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Batay sa Republic Act (RA) 11936, kukunin ang pondo mula sa authorized allotment sa ilalim ng FY 2023 General Appropriations Act (GAA).
Matatandaang noong Abril ay inaprubahan din ng DBM ang pagpapalabas ng may kabuuang ₱42.9 bilyong pondo na sakop ang isang taong health insurance premiums ng higit 8.5 milyong senior citizens sa buong bansa.