Tumungo na sa Chinese Embassy si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo dala ang note verbal kaugnay sa panibagong insidente ng pambobomba ng tubig ng barko ng China Coast Guard sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa ambush interview sa Bulacan.
Ayon sa pangulo, kasama ng note verbal ay mga larawan at video ng nangyaring pambobomba ng tubig ng barko ng China Coast Guard sa barko PCG.
Ang barkong ito ng PCG ay ang magdadala sana ng suplay sa pwersa ng pamahalaan sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sinabi rin ng pangulo na sa kabila na ayaw niyang pag-usapan ang operational details nito, magpapatuloy naman aniya ang pamahalaan sa paggiit sa soberenya ng bansa at territorial rights sa harap ng mga hamon na ito batay na rin sa international laws at United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Ayon pa sa pangulo na dapat makausap pa rin ng pamahalaan si Chinese President Xi Jinping dahil kailangan na talaga aniyang magkaroon ng konklusyon para dito.
Natutuwa naman ang pangulo na walang nasaktan o nagkaroon ng injury sa pangyayaring ito sa Ayungin Shoal.
Ang problema lang ay naantala aniya ang pagdadala ng suplay sa mga sundalo sa BRP Siera Madre pero ginagawan na ito ng paraan ngayon.