Nagpaliwanag ang pamahalaan kung bakit patuloy pa rin ang paglobo ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa sa kabila ng higit isang buwan nang umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, resulta lamang ito ng paglawak ng ating testing capacity.
Sa ngayon ay nasa 18 na ang testing laboratories sa bansa na mayroong 6300 testing capacity kada araw.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na asahan pa ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa dahil sa patuloy na pagdami ng testing labs.
Sa pamamagitan ng testing, matutukoy agad kung sinu-sino ang mga dapat i-isolate at bigyan ng atensyong medikal nang sa ganun ay hindi na sila makapanghawa pa.
Sa datos ng DOH kahapon, 8212 na ang confirmed cases sa bansa o 254 new cases, habang 558 ang kabuuang nasawi at umaabot na sa 1023 ang mga nakarekober.