Tiniyak ng Malacañang na may nailatag ng hakbang ang pamahalaan sakaling matuloy ang banta ng transport groups na isang linggong tigil pasada na magsisimula sa Lunes.
Diin ni communications Secretary Cheloy Garafil, naghahanda ang gobyerno kahit pa 94% ng jeepney drivers ang nagsabi na hindi sila lalahok sa naturang transport strike.
Binanggit ni Garafil na sa inter-agency meeting na pinangunahan ni Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevarra ay tinalakay ang plano ng mga kinauukulang ahensya para tulungan ang publiko.
Sabi ni Garafil, kabilang sa magiging aksyon ng administrasyon ang pagpapakalat ng Philippine National Police (PNP) ng mga tauhan para bantayang mabuti ang sitwasyon at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa mga maaapektuhang ruta.
Ayon kay Garafil, para maasistehan ang mga commuters ay aabot sa 106 na transport vehicles ang idi-deploy ng PNP, gayundin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ang MMDA rin aniya ang magbibigay ng command center sa mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan, tulad ng PNP at Department of Transportation (DOTr) para sa monitoring ng sitwasyon ng trapiko.
Dagdag pa ni Garafil, posible ding suspendehin ang number coding scheme sa Metro Manila.