Gobyerno, nakatipid ng mahigit ₱5 billion matapos itigil ng PAGCOR ang kontrata sa kinuhang third-party auditor sa mga POGO

Nakatipid ang gobyerno ng mahigit ₱5 billion mula nang itigil ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang kontrata sa pagitan ng third-party auditor sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Sa ginawang imbestigasyon ng Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian nabunyag ang napakaraming iregularidad ng kinuhang third-party auditor na Global ComRCI na nakakuha ng ₱6 billion na kontrata sa PAGCOR sa loob ng 10 taon.

Ayon kay Gatchalian, ikinalulugod nila na ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Senado patungkol sa mga epekto at benepisyo ng POGO sa bansa ang naging daan para matuklasan ang anomalya sa pagpili ng third-party auditor at para makatipid ang pamahalaan ng mahigit sa ₱5 bilyon.


Umaasa naman si Gatchalian na dahil sa development na ito ay ipupursige ng PAGCOR ang pagsasampa ng kaso sa Global ComRCI gayundin sa mga tiwaling PAGCOR officials na sangkot sa pagpili sa kwestyunableng third-party auditor.

Pinapabawi rin ng senador ang naunang ₱842 million na ibinayad ng PAGCOR sa third-party auditor.

Nauna nang nanawagan si Gatchalian ng pagpapasara sa mga POGO sa bansa dahil sa halip na benepisyo ay mas mabigat ang perwisyong hatid nito sa bansa.

Facebook Comments