Gobyerno, nanawagan sa China na tigilan na ang mapanghamon at mapanganib na aksyon sa WPS

Tahasang kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang iresponsable, ilegal, at mapanganib na pagkilos ng People’s Liberation Army Air Force laban sa Philippine Air Force (PAF) patrol aircraft na nangyari sa bisinidad ng Bajo de Masinloc nitong Aug 8, 2024.

Ayon kay National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, iligal ang ginawa ng China at provocative bukod sa delikado ang pagpapakawala mga flares sa eroplano ng Philippine Air Force.

Ani Malaya sa kabila ng ipinamalas na mapanganib na intensyon ng People’s Liberation Army Air Force Fighters, ang piloto at crew ng PAF aircraft ay rumesponde ng may focus, restraint at professionalism.


Kasunod nito, patuloy ang panawagan ng NTF-WPS sa China na tigilan na ang lahat ng mapanghamon at peligrosong pagkilos laban sa kaligtasan ng mga Pilipinong sibilyan at militar na sanhi ng destabilisasyon sa rehiyon.

Nanindigan ang NTF-WPS na magpapatuloy ang air at maritime security missions ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa teritoryo at exclusive economic zone (EEZ) ng bansa at lalo pang paiigtingin ang pag-monitor sa airspace ng Pilipinas.

Facebook Comments