Gobyerno, nawalan ng ₱238 milyon dahil sa pinalobong bilang ng mga baboy na tinamaan ng ASF

Ibinunyag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na nawalan ang gobyerno ng nasa ₱238 milyon bunga umano ng dinaya at pinalobong bilang ng mga baboy na kinatay dahil sa African Swine Fever (ASF) sa Brgy. Bagong Silang sa Quezon City.

Ang impormasyon ay nakuha ni Lacson sa report ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP).

Ang mga kinatay na baboy ay binayaran ng pamahalaan ng ₱5,000 bawat isa.


Ayon kay Lacson, base sa CIDG report ay dinagdagan ng hanggang 20 ang kada isang baboy na kinatay sa nabanggit na lugar sa Quezon City kaya nagkadoble-doble ang bayad ng gobyerno.

Sa pagkakaalam ni Lacson ay sinampahan na ng reklamo ng CIDG sa Ombudsman ang mga sangkot na barangay at veterinary officials.

May hinala si Lacson na bukod sa Quezon City ay posibleng may ganito ring nangyayari sa ibang lugar sa bansa at tahasan niyang sinabi na mapagsamantala at walang konsensya ang mga gumagawa nito kahit nasa gitna tayo ng pandemya.

Facebook Comments