Manila, Philippines – Nangako ng 730 million pesos na halaga ng tulong ang gobyerno ng Estados Unidos para sa mga komunidad na apektado ng nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City.
Inanunsyo ni U.S. Ambassador to the Philippines Sung Kim na ang tulong ay ipaaabot ng gobyerno ng Amerika sa pamamagitan ng United States Agency for International Development o USAID.
Ilalaan ang pondo para maghatid ng emergency relief at recovery assistance sa mga komunidad sa Marawi at kalapit na lugar na apektado ng giyera.
Ayon kay Ambassador Kim, nananatili ang malalim na pagturing ng Amerika sa Pilipinas na kanilang kinilala bilang kaibigan at kaalyado.
Kasabay nito, umaasa rin ang Embahador na matatapos na ang krisis.
Makikipag-ugnayan ang gobyerno ng Estados Unidos sa gobyerno ng Pilipinas at sa mga Humanitarian Organization para makapaghatid ng mga kritikal na tulong gaya ng inuming tubig, hygiene kits at kitchen sets.
Maglalagay din ang USAID ng 18 pasilidad sa Marawi para paglagyan ng critical supplies at mga serbisyo na makakatulong para tumugon sa mga kaso ng tuberculosis, mga buntis, mga sanggol at kalusugan ng mga bata.