Gobyerno ng Pilipinas, patuloy na makikipagtulungan sa sinumang papalit kay Indonesian President Joko Widodo

Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na patuloy na makikipagtulungan ang Pilipinas sa kung sinuman ang susunod na lider ng Indonesia.

Ito ay sa harap na rin ng nalalapit nang pagtatapos ng termino ni Indonesian President Joko Widodo sa susunod na ilang buwan.

Sa isinagawang state luncheon sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Marcos na tiwala siyang ipagpapatuloy ng magiging bagong lider ng Indonesia ang momentum ng mga positibong kasunduang nabuo nila kapwa sa bilateral at regional partnership.


Sinabi ng pangulo, tinitiyak niya ang aktibong pakikipagtulungan ng Pilipinas sa Indonesia sa patuloy na pagpapayabong ng kanilang pagkakaibigan at maiangat ang kanilang relasyon sa mas mataas na antas.

Dagdag ng pangulo, hindi niya malilimutan ang mainit na pagtanggap sa kaniya ng Indonesia sa ginawa niyang state visit doon noong September 2022, kaya naman aniya ito naman ang pagkakataon na masuklian niya ito sa pamamagitan ng pinakamagandang kultura at pagkaing pinoy na inihanda sa palasyo ng Malacañang.

Pinasalamatan naman ni President Widodo ang mainit ding pagtanggap sa kaniya at kaniyang delegasyon.

Sinabi ni Widodo, mananatiling committed ang Indonesia sa pakikiisa sa Pilipinas para mapalakas pa ang kanilang kooperasyon sa susunod pang 75 taon.

Si President Widodo ay nakatakdang umalis ngayong araw matapos ang tatlong araw na official visit sa bansa.

Facebook Comments