Nagbigay na ng paliwanag ang gobyerno ng Estados Unidos kaugnay sa paglapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng isang US military aircraft kamakailan.
Matatandaang sinita at ipinag-utos ni Senator Imee Marcos ang pagpapaimbestiga sa kaduda-dudang aktibidad ng US military plane sa loob ng teritoryo at airspace ng bansa.
Ayon kay Sen. Marcos, nakatanggap ng liham ang Senate Committee on Foreign Relations na kanyang pinamumunuan mula sa embahada ng US dito sa bansa na may petsang July 6, 2023.
Ang liham ay padala ni US Ambassador to the Philippines Mary Kay Carlson at nakasaad dito ang paliwanag patungkol sa pag-landing sa NAIA ng Boeing C-17 transport aircraft na nakarehistro sa ilalim ng US military.
Batay sa liham, ang naturang aircraft ay nasa Pilipinas para suportahan ang bilateral military exercise na isinasagawa sa pagitan ng bansa at ng Amerika.
Tumigil lamang ito sa NAIA bago pumunta sa final destination nito sa Palawan para makapagpasa ng hinihinging requirements ng Customs at Immigration subalit nagkaroon ng ‘clerical errors’ at kalituhan sa koordinasyon kaya natengga sa NAIA ang aircraft.
Ibinahagi pa ni Carlson na ang kargamento ng military plane ay naglalaman ng mga kagamitan ng US Marine Corps Mobile Operation Center na gagamitin sa Marine Aviation Support Activity exercise at ang non-crew passenger na sakay ng aircraft ay isang US Marine na kasama rin sa joint military exercise.