Gobyerno, pina-a-aksyunan na ang mga lugar na may mataas na “vaccine hesitancy”

Umapela si Assistant Majority Leader Fidel Nograles sa pamahalaan na madaliin ang pagbabakuna ng COVID-19 vaccines at booster shots partikular na sa mga lugar na mataas pa rin ang “vaccine hesitancy”.

Ito ay kasunod na rin ng unang naitalang dalawang kumpirmadong kaso ng Omicron variant sa Pilipinas na mula sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Japan at isang dayuhan na galing Nigeria na ngayon ay kasalukuyang nasa isolation facility ng Bureau of Quarantine (BOQ).

Giit ni Nograles, kailangan na doblehin pa ng gobyerno ang hakbang sa pagbabakuna lalo na sa mga lugar na mataas pa rin ang pag-aalinlangan sa COVID-19 vaccine.


Sa ganitong paraan aniya ay matitiyak ang pagkakaroon ng dagdag na proteksyon sa mamamayan kasabay ng pagkamit ng herd immunity sa buong bansa.

Mainam din aniya na agad na-isolate ang dalawang kaso ng Omicron dahil kahit papano ay nabawasan ang takot ng publiko.

Hinimok din ng mambabatas ang taumbayan na maging kalmado, pagkatiwalaan ang siyensya at payagan ang gobyerno na gawin ang lahat ng makabubuti para sa mga Pilipino.

Facebook Comments