Gobyerno, pinag-aaralan ang pagiging available ng diploma, TOR, at scholarship sa online applications, at iba pang serbisyo para sa mga mag-aaral sa higher education

Puspusan na ang pakikipagtulungan ng Commission on Higher Education (CHED) sa Department of Information and Communications Technology (DICT) kaugnay sa digitalization ng tanggapan, alinsunod sa direksyong tinatahak ng Marcos administration.

Sa Laging Handa public briefing sinabi ni CHED Chair Prospero de Vera III na sinisimulan na nila ang imbentaryo ng mga universidad at kolehiyo, mapa-pribado man o pampubliko, para gawin nang online ang aplikasyon ng mga estudyante para sa kanilang Transcript of Records (TOR) at diploma.

Magkakaroon aniya sila ng signing ceremony katuwang ang DICT, para makasama na ang State University and Colleges (SUCs) sa online platform ng CHED.


Para naman aniya sa mga unibersidad o kolehiyo na hindi pa handa, tutulungan aniya ng CHED at DICT ang mga ito, para sa digitalization ng kanilang sistema, dokumento, at records, upang mas madali na ring ma-access ng mga estudyante at mga magulang ang mga kinakailangang impormasyon.

Ayon kay Chair de Vera, maging ang scholarship application ng CHED, inaayos na rin nila upang maging available na rin ito para sa online application, katuwang ang mga requirement na kakailanganin ng mga mag-aaral.

Una na rin aniya silang pumirma ng MOA katuwang ang DICT, para dito.

Facebook Comments