Pinag-i-invest ng Kongreso ang pamahalaan ng iba pang paraan para masolusyunan ang kakulangan sa tubig sa Metro Manila.
Hiniling ni Kabayan Rep. Ron Salo sa pamahalaan na mag-invest sa mobile desalination at water purification assets tulad ng ginawa noong manalasa ang Yolanda at Ondoy matapos maging problema ang pagkukunan ng malinis na tubig.
Naniniwala kasi ang mambabatas na hindi solusyon sa kakapusan ng tubig ang pagtatayo ng mga karagdagang dam.
Ang mga water purifications plants ay maaaring itayo sa may Laguna de Bay at iba pang inland freshwater zones habang ang mga desalination plants ay maaari namang ilagay malapit sa mga baybayin na hindi sakop ng environment protection laws.
Handa aniya siyang suportahan sa Kamara ang pagpopondo para sa mga karagdagan pang maliliit na water impounding systems at mini-hydro facilities.
Ang mga ito aniya ay walang masyadong epekto sa kalikasan kumpara sa mga dam.