Gobyerno, pinag-iingat pa rin sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea

Manila, Philippines – Sa kabila ng donasyon ng mga armas ng China sa Pilipinas, hindi dapat magpabaya ang bansa sa pagbabantay sa mga pinangangalagaang teritoryo.

Ito ay kasunod ng ulat ni Magdalo Rep. Gary Alejano na may nangyaring pangha-harass sa Philippine patrol vessel na gawa ng military force ng China na lulan ng kanilang barko.

Sinasabig nangyari ang panghaharass dalawang linggo na ang nakakaraan habang nagsasagawa ng seaborne patrol ang barko ng bansa sa tatlong sand bars sa Kanlurang bahagi ng Pag-asa island.


Bagamat wala namang insidente na naitala, nagkaroon naman ng tensyon nang lumapit ang nagpapatrolyang barko ng bansa sa mga sand bars kung saan nagpatunog ng sirena ang China para umalis ang ating barko.

Giit ni Alejano, ang agresibong pagkilos na ito ng China ay hindi dapat ipag-sawalang bahala lalo`t karapatan naman ng Pilipinas na magpatrolya sa teritoryong sakop.

Nanawagan si Alejano na kahit pa nagpapakita ng magandang aksyon ang China sa bansa at may mga pag-uusap na nagaganap, huwag munang magtiwala at dapat ay maging alerto ang bansa sa pagbabantay sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Facebook Comments