Gobyerno, pinaghahanda ng senador sa posibleng gawin ng China sa ikakasang Christmas convoy sa WPS sa susunod na linggo

Pinaghahanda ni Senator Francis Tolentino ang ating gobyerno sa posibleng gawin ng China sa planong Christmas convoy ng Pilipinas para sa ating mga sundalo na nagbabantay sa Ayungin Shoal at sa iba pang mga isla sa West Philippine Sea (WPS).

Nagpulong kahapon sina Tolentino kasama sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz kaugnay sa gagawing Christmas convoy ng Atin Ito Coalition sa December 11 subalit naputol lamang ito dahil sa naranasang lindol kung saan lahat ng mga senador at mga empleyado ay pinalabas ng gusali.

Babala ni Tolentino sa DFA na paghandaan ang ikakasang Christmas convoy dahil posibleng mas madagdagan pa ang ating magiging problema.


Nangangamba ang senador na higit pa o hindi lang basta harassment ang gawin ng China sa mga volunteers na sibilyan dahil kung mababatid ay nagawa na ng China ang laser beam at cannoning o pagbomba ng tubig.

Iginiit ni Tolentino na Chairman ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones, na hindi kailangang humingi ng permiso ng Pilipinas sa China para makapunta sa Ayungin Shoal dahil ito ay parte ng bansa sa West Philippine Sea.

Inaasahang 40 mga bangka ang makikilahok sa three-day caravan na inorganisa ng coalition para maghatid ng regalo sa mga residente at sa mga sundalong nagbabantay sa ating teritoryo.

Facebook Comments