Ngayon pa lang ay pinaghahanda na ni Senate Committee on Energy Vice Chairperson Senator Sherwin Gatchalian ang pamahalaan sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan bunsod ng desisyon ng Saudi Arabia at iba pang OPEC+ oil producers na bawasan ang produksyon ng 1.16 million barrels kada araw.
Pinakikilos ni Gatchalian ang Department of Energy (DOE) na agad na makipa-ugnayan sa lahat ng industry players upang matiyak na sapat ang suplay ng enerhiya sa bansa.
Dapat din aniyang simulan ng Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB) ang paghahanda sa muling ipatupad ang Pantawid Pasada Program.
Idinagdag pa ni Gatchalian na dapat bilisan na rin ng DOE ang pagpapatupad ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) upang maisakatuparan ang malawakang paggamit ng mga electric vehicles (EVs) upang maiwasan na ang pagiging dependent ng bansa sa imported na langis.
Sa gitna naman ng pabago-bagong presyo ng langis, nauna nang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 384, na naglalayong isabatas ang programang Pantawid Pasada upang makapagtatag ng energy subsidy program para pangalagaan ang sektor ng pampublikong transportasyon laban sa mataas na presyo ng langis.