Gobyerno, pinaghahanda sa posibleng ‘rice crisis’ sa bansa; pagtatalaga ng full-time agriculture secretary, hiniling ng Senado

Nagbabala si Senator Grace Poe sa posibilidad na magkaroon ng ‘rice crisis’ sa Pilipinas bunsod na rin nang desisyon ng India na ihinto ang pag-e-export ng bigas.

Sinabi ni Poe na ang desisyon ng India na ihinto ang kanilang rice exports ay bunsod ng pagkasira ng kanilang mga pananim dahil sa matinding baha na naranasan doon.

Ayon kay Poe, hindi naman natin masisisi ang India sa kanilang naging desisyon dahil obligasyon naman nilang unahin ang kapakanan ng kanilang mga mamamayan na nasa 1.4 billion.


Aniya pa, sa 3.79 million metric tons ng bigas na inaangkat ng Pilipinas, mahigit sampung libong metrikong tonelada lamang ang galing sa India pero malaki pa rin ang magiging epekto nito sa bansa dahil 40 percent ng suplay na bigas sa buong mundo ay galing sa India.

Kailangan aniyang mapaghandaan din ang posibleng rice crisis dahil may obligasyon din ang gobyerno ng Pilipinas sa 113 milyon na mga Pilipino.

Mayroon aniyang 3.4 million na mga kabataan na umaasa sa feeding program ng pamahalaan at kung sila ay magkulang sa timbang ay tiyak na tayo sa gobyerno ang may pagkukulang.

Dahil dito, hinimok ni Poe ang gobyerno na magtalaga ng full-time agriculture secretary na tututok sa sektor partikular na sa suplay ng bigas bunsod ng nakaamba na pagnipis ng suplay at pagtaas sa presyo nito.

Dagdag pa rito ang pagtutok ng pamahalaan sa pagsasaayos sa irrigation system gayundin ang pagtugis at pagsasampa ng kaso sa mga agricultural smugglers.

Facebook Comments