Gobyerno, pinaghinay-hinay sa paggamit ng rapid antigen testing

Pinaghinay-hinay ni Iloilo Rep. Janette Garin ang gobyerno sa paggamit ng rapid antigen testing para mapaigting ang COVID-19 screening sa NCR Plus.

Ito’y matapos ihayag ng Department of Health (DOH) na gagamitin ang rapid antigen testing para idagdag sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing sa NCR plus na binubuo ng Metro Manila at mga probinsya ng Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan.

Paalala ng dating Health Secretary, ang rapid antigen testing ay pangunahing ginagamit lamang dapat sa mga symptomatic patients o mga pasyente na nagpapakita ng sintomas ng COVID-19.


Paliwanag ni Garin, ang rapid antigen testing ay ginagamit para malaman ng doktor kung ang pasyenteng nagpapakita ng sintomas ng COVID-19 ay positibo o negatibo sa SARS CoV2.

Nababahala ang kongresista dahil nauuso ang antigen testing dahil mabilis pero hindi dapat maging kampante.

Dagdag na paliwanag ni Garin, sakali kasing asymptomatic o hindi nagpapakita ng sintomas ang pasyenteng positibo sa COVID-19 at nag-negatibo sa rapid antigen testing, kakailanganin pa ring sumailalim ito sa RT-PCR test dahil ang rapid antigen ay may false negative rate ng 40%.

Binigyang diin pa ng mambabatas na ang RT-PCR Test pa rin ang gold standard pagdating sa COVID-19 testing.

Facebook Comments