Pinaglalaan ni Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera ang gobyerno ng taunang budget para sa pandemic preparedness at response.
Ayon kay Herrera, dapat na gawing permanente ng pamahalaan ang paglalaan kada taon ng hanggang limang bilyon piso para sa preparedness at response sa pandemya.
Sa ganitong paraan ay nakahanda ang bansa sakaling tamaan muli ng mga bagong sakit o makaranas ng health crisis sa hinaharap.
Malaki aniya ang maitutulong kung may pondo nang nakalaan para sa pandemic dahil maraming buhay ang agad na maisasalba at makakapaglatag din agad ng solusyon para maibsan ang epekto ng krisis sa ekonomiya.
Dagdag pa nito, kung makakapagtabi taun-taon ang gobyerno ng limang bilyon piso na pondo para sa pandemic preparedness and response ay magkakaroon ng sapat na kakayahan at imprastraktura ang bansa na kakailanganin para sa prevention, pag-identify, pagcontain at pagresponde sa mga infectious disease outbreak.
Makakatiyak din na kapag may pondo ay may sapat na suplay ang pamahalaan para sa mga medical supplies, gamot at bakuna.
Iginiit pa ng mambabatas na mahalaga ang pag-iinvest sa pandemic preparedness upang maalis na ang cycle ng panic at kapabayaan tuwing may ganitong krisis.