Iminungkahi ni Senator Sherwin Gatchalian na magkaroon na ng contingency plan ang gobyerno at ang bawat lokal na pamahalaan sa iba’t ibang klase ng sakuna at kalamidad na maaaring mangyari sa bansa.
Ito ang apela ng senador sa nangyaring trahedya na paglubog ng MT Princess Empress kung saan ang tumatagas na langis sa lumubog na barko ay nakaapekto sa fish production ng lalawigan na naging sanhi na ng kakulangan ng suplay ng pagkain at pagkawala ng kabuhayan ng mga mangingisda at mga residente sa Oriental Mindoro.
Binigyang diin ni Gatchalian na mahalagang laging handa ang pamahalaan sa lahat ng oras sa anumang pagkakataon at magsilbing leksyon ang nangyaring trahedya sa karagatan.
Iginiit ni Gatchalian na kailangang mayroong pangmalawakang contingency plan ang gobyerno at mga lokal na pamahalaan upang maagapan at maiwasan ang pagkalat ng langis sa karagatan sakaling may kahalintulad na insidente.
Nagpahayag ng pagkabahala ang mambabatas na kung hindi matutugunan agad ay tataas pa ang bilang ng mga nagugutom at walang trabaho sa Mindoro dahil bukod sa kabuhayan ay apektado na rin ang turismo ng lalawigan.
Nariyan din ang banta na umabot ang oil spill hanggang Romblon at Aklan, kung saan matatagpuan ang “premier tourist destination” ng bansa na Boracay.