Gobyerno, pinaglalatag ng komprehensibong employment masterplan para solusyunan ang problema sa unemployment

Iginiit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na magkaroon ng komprehensibong employment masterplan ang pamahalaan upang mabigyang solusyon na ang problema sa trabaho.

Ang panawagan ay sa gitna na rin ng pagbaba ng unemployment rate sa 4.5 percent o 2.26 million na mga Pilipino na walang trabaho ngayong Abril kumpara sa 4.7 percent o 2.42 milyon na naitala noong Marso.

Aminado si Villanueva na matagal pa bago mabigyan ng permanenteng solusyon ang problema sa kawalan ng trabaho sa bansa lalo’t inaasahan ngayong taon ay madadagdagan nanaman ng 1.5 million na workforce ang bansa dahil sa mga magsisipagtapos sa pag-aaral.


Ipinunto pa ni Villanueva ang pagtaas din ng underemployment sa bansa noong Abril na nasa 12.9 percent o 6.2 milyong Pilipino ang walang permanenteng trabaho mula sa 11.2 percent o 5.44 million na underemployed noong Marso.

Dahil dito, hiniling ng senador na magkaroon na ng comprehensive employment masterplan na pagiisahin ang mga pagsisikap ng mga ahensya ng gobyerno para makahanap ng solusyon sa problema sa employment tulad ng job-skills mismatch at training.

Samantala, nanawagan si Villanueva sa Kamara na agad na aprubahan ang Trabaho Para sa Bayan Act na unang nakapasa sa Senado na isa sa nakikitang solusyon sa problema sa employment ng bansa.

Facebook Comments