Pinaglalatag ni Rizal Rep. Fidel Nograles ng malinaw na estratehiya ang pamahalaan para resolbahin ang kakulangan ng public transport sa Metro Manila.
Partikular na nananawagan si Nograles sa Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na magkaroon ng malinaw na pamamaraan para tugunan ang kawalan ng public transport.
Mahalaga aniyang kilalanin ng gobyerno na mayroong “supply problem” sa public transportation sector lalo’t makikita ang araw-araw na paghihirap ng mga commuter mula sa mahabang pila sa mga transport hubs.
Paliwanag ng kongresista, mas lalong pinalala ng pandemya ang lagay ng transportasyon dahil napipilitan ang mga commuters na magsiksikan at magipon sa isang lugar dahil sa limitadong Public Utility Vehicles (PUV)s.
Giit ng mambabatas, “counterproductive” ito sa polisiya ng social distancing ngayong may pandemya at mas lalong nalalantad na mahawa ng COVID-19 ang mga commuter.
Bagama’t mabigat na trabaho aniya ang solusyunan ang problema sa public transport sa bansa, kung magkakaroon ng clear strategy para madagdagan at matumbasan ang demand sa PUVs ay tiyak na mababawasan ang alalahanin at paghihirap ng publiko.