Gobyerno, pinaglalatag ng Senado ng mga hakbang sa mga airport ngayong holiday

Hinikayat ni Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe ang pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang para maibsan ang pagsisikip at mapaghusay pa ang serbisyo sa mga paliparan sa bansa.

Ginawa ng senadora ang panawagan sa inaasahan na ring pagdagsa ng mga kababayan sa airport lalo na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong holiday season.

Giit ni Poe, onti-onting nagiging problema sa NAIA ang kawalan ng espasyo kaya naman panahon na para maglatag ng solusyon patungkol sa mga reklamong nararanasan ng mga pasahero.


Tinukoy ni Poe na naging major choke point na ang NAIA dahil sumobra na ito sa kapasidad ng flights at sa itinakdang volume ng mga pasahero.

Kabilang sa mga solusyon na hahanapin ng senadora sa Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagpapatupad ng digitalization at automation at ang pagbabawas sa mga red-tape sa prosesong pinagdaraanan ng mga pasahero.

Hinimok din ni Poe ang Department of Transportation (DOTr) na makipagtulungan sa MIAA para aralin at sukatin ang buong duration sa mga prosesong gagawin ng isang pasahero tulad ng X-ray procedures, immigration lines, pag-check-in, at pagsuri sa flight itineraries.

Facebook Comments