Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian, na ipatupad ng gobyerno ang targeted rice subsidy program sa susunod na tatlo hanggang anim na buwan.
Kaugnay na rin ito sa naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Setyembre na tumaas sa 6.9% ang inflation rate ng pinakamababang 30% income households kumpara sa 6.1% na inflation na nararanasan ng lahat ng households.
Layon ng mungkahi ni Gatchalian, na maibsan ang epekto ng food insecurity o kakulangan sa pagkain sa pinakamababang 30% income households.
Binigyang diin ni Gatchalian, ang agarang pangangailangan na matugunan agad ng gobyerno ang mga hamon na dulot ng tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin upang mapahusay ang kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Tinukoy ng senador, na bagama’t lahat ay apektado ng tumataas na presyo, higit o pinakaapektado naman dito ang sektor na kabilang sa “poorest of the poor”.
Umaasa si Gatchalian, na ang mga ganitong inisyatibo tulad ng targeted rice subsidy ay makapagbibigay ng matatag na access sa abot-kayang bigas para sa mga mahihirap na kababayan.