Manila, Philippines – Hinimok ni Metro Manila Development Chairman Winston Castelo ang gobyerno na magsagawa ng information campaign laban sa pagkalat ng Avian Influenza Virus.
Ayon kay Castelo, para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa mga alagang manok sa Metro Manila, at para hindi ito tuluyang makahawa sa mga tao ay dapat may sapat na kaalaman ang publiko sa nasabing sakit.
Batay aniya sa Food and Agriculture Organization Manual, nasa apat na stage bago tuluyang maging pandemic o masabing nakahawa na sa tao ang Avian virus.
Ang bansa ngayon ay nasa stage 2 kung saan ang mga alagang manok o mga poultry farms ang apektado.
Kapag stage 3, ito ay kung saan ang avian influenza ay nakahawa na sa tao; at stage 4 kapag full blown na sa mga tao ang naturang sakit.
Ito aniya ang dapat na malaman ng publiko upang makaiwas sa sakit at mapangalagaan ang mga kalusugan.
Ngayon pa lamang ay dapat matukoy na ang pinanggalingan ng sakit at kung paano ito mapipigilan upang hindi umabot sa holiday season lalo na sa Pasko kung kelan in-demand ang paghahanda ng manok.
Kasabay nito ay pinahihigpitan din ni Castelo ang pagpasok ng mga poultry products mula sa mga bansang kontaminado ng avian flu.