Gobyerno, pinagtatakda ng timeline para sa vaccination program

Pinagtatakda ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin ang pamahalaan ng timeline para sa nationwide vaccination program.

Inirekomenda ni Garbin na itakda sa April 2022 ang absolute deadline ng pagbabakuna kung saan dapat sa petsang ito ay nakamit na ang herd immunity para sa COVID-19 vaccine.

Sa ganitong paraan aniya ay ligtas na ang pagsasagawa ng halalan sa May 2022 elections.


Kasabay nito ay tinuligsa ni Garbin ang naunang suhestyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga LGUs na limitahan sa kalahati ng populasyon ang COVID-19 vaccination.

Aniya, walang gobernador, alkalde, barangay official at iba pang elected official ang gagawa ng ganitong political suicide at malabong makamit ang herd immunity kung susundin ang suhestyon ng DILG.

Matatandaang sinabi ni DILG Usec. Epimaco Densing III sa pagdinig ng Senado na nagtakda sila ng 50% cap sa procurement ng vaccines ng mga LGUs dahil ang natitirang kalahati ay national government naman ang sasagot.

Facebook Comments