Hiniling ni Committee on Labor and Employment Chairman Enrico Pineda sa Department of Trade and Industry (DTI) na himukin ang mga foreign manufacturer na mag-set up ng production sa bansa.
Ang mungkahi ng kongresista ay bunsod na rin ng pagsasara ng mga malalaki at kilalang korporasyon sa Vietnam dahil sa pagtaas ng kaso ng Delta variant ng COVID-19.
Ito ang nakikitang pagkakataon ng kongresista para sa bansa na hikayating lumipat sa Pilipinas ang mga foreign manufacturer na layong makapagdadala ng trabaho sa mga Pilipino.
Ang kailangan lamang aniya ay gawing kanais-nais sa mga dayuhang brand ang paglalagay ng kanilang kumpanya sa bansa.
Maaari aniyang ilagay ang mga ito sa eco-zones kung saan may lugar para sa “bubble scheme” ng mga manggagawa upang matiyak ang kaligtasan ng mga empleyado at hindi maapektuhan ang paggawa ng mga produkto.
Pinakikilos ng mambabatas si Trade Secretary Ramon Lopez na pangunahan ang inisyatibo upang mahimok ang mga dayuhang brands na maglagay ng manufacturing sa bansa.
Nakahanda aniya ang Kongreso na tumulong sa ahensya para sa pagpapataas ng foreign investment na makakatulong sa paglikha ng maraming trabaho at sa muling pag-ahon ng ekonomiya.