Pinakikilos ni AKO BICOL Partylist Rep. Alfredo Garbin ang gobyerno para humanap ng paraan upang makapag-mass produce ng mga Personal Protective Equipment (PPEs) na kinakailangan ng mga frontliners lalo na ang mga medical workers.
Aniya, ang Department of Trade and Industry, Board of Investments at Export Processing Zone Authority ay dapat na makagawa ng paraan kung papaano makakalikha ng maraming suplay ng PPEs.
Inirekomenda ni Garbin na maaaring kumuha ang Department of Science and Technology (DOST) ng mga lokal na materyales na pwedeng gamitin para sa paggawa ng PPEs at maaaring i-mass produce ng mga industrial factories.
Inirekomenda naman ng kongresista ang mga garments at accessories na nakatengga sa mga ecozones, export zones, at freeports na gawing face masks, face shields, gloves at body suits.
Sa ganitong paraan aniya ay matutugunan agad ang kakulangan ng bansa sa mga PPEs.
Tinitiyak naman ng mambabatas na mahigpit na ipapatupad ang protocols at safety measures para sa mga workers na gagawa ng PPEs ng ating mga frontliners.