Kinalampag ni Senator Nancy Binay ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na agad na solusyunan ang naglipanang text scams.
Mismong ang senadora ay nabiktima na rin ng scam message kung saan sa kanyang personal phone nagpadala ng mensahe na nakalagay pa ang kanyang pangalan.
Ayon kay Binay, magkahalong takot at gulat ang kanyang naramdaman nang mabasa ang isang random message na pinadala sa kanyang personal phone na alam ang kanyang pangalan lalo’t hindi naman niya ginamit sa alinmang online transactions ang kanyang personal na cellphone number.
Nababahala si Binay na kung may kasama ng personal na impormasyon ang mga text scam ay posibleng lumawak pa ang scheme na ito na pati ang paaralan ng anak, credit card information, mga pinupuntahan, pamilya at kaibigan ay nalalaman na rin ng mga scammer.
Dapat aniyang solusyunan ng mga ahensya ng gobyerno ang text scams sa lalong madaling panahon dahil habang tumatagal at walang aksyon na ginagawa ay mas maraming tao ang mabibiktima.
Samantala, kabilang din sa mga nag-privilege speech para ibahagi ang naging karanasan din sa text scams ay sina Senators Jinggoy Estrada at Raffy Tulfo.