Manila, Philippines – Pinayuhan ni Senior Deputy Minority Leader at Buhay PL Rep. Lito Atienza ang gobyerno na makipag-compromise o makipagkasundo na lamang sa pamilya Marcos para mabawi ang nakaw na yaman ng mga ito.
Ayon kay Atienza, ito ay kahit pa ang kompromiso ay mangangahulugan ng kapalit na walang mapaparusahan sa mga Marcos kapag naibalik na ang nakaw na yaman.
Sinabi pa ni Atienza na mismong si Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos ay inamin sa kanya noong siya ay Alkalde pa na may pitong libong toneladang ginto ang pamilya nito.
Dati pa aniya sinabi ng unang ginang na gusto na nilang ibalik ang nakaw na yaman para magamit sa mga proyekto ng gobyerno pero mayroon lamang na “super powers” na humaharang dito.
Sinabi ng kongresista na kung makuha ng gobyerno kahit ang kalahati lamang ng yaman ng mga Marcos ay pwede nang itustos ito sa mga proyekto at programa ng gobyerno tulad ng Universal Health Care, mass transport system at education.