Inaasahang makakakolekta ng malaking buwis ang pamahalaan sa oras na maging ganap na batas ang “Non-Combustible Nicotine Delivery Systems Regulation Act”.
Ayon kay Deputy Speaker for Trade and Industry at Valenzuela City Representative Wes Gatchalian, P108.9 billion ang posibleng kitain ng gobyerno sa buwis mula sa vapes at e-cigarettes sa loob ng limang taon.
Ang makokolektang buwis sa mga produkto ay gagamitin para sa dagdag na pondo ng Universal Health Care program ng pamahalaan.
Makakatulong din ang dagdag na buwis sa vapes at e-cigarettes para sa planong pag-upgrade ng state medical facilities, pagtatatag ng mga dagdag na ospital sa mga malalayong lugar, pag-hire ng mas maraming doctor at nurses gayundin ang pagpapahusay sa non-communicable disease prevention services.
Nilinaw naman ni Gatchalian, na siya ring pangunahing may-akda ng House Bill 9007, na hindi nila layong ipagbawal ang vapes, e-cigarettes at iba pang Electronic Nicotine at Non-Nicotine Delivery Systems (ENDS/ENNDS).
Paliwanag nito, nais lamang nilang ma-regulate ang mga nabanggit na produkto upang maiwasan ang iligal na paggawa, distribusyon, at bentahan ng mga ito lalo na sa mga kabataan.