Isinisisi ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate ang kakulangan ng pamahalaan sa pagtugon sa muli na namang paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Walang ibang salita na mailalarawan ang kongresista sa pamahalaan kundi “palpak” o ang pagiging ‘incompetent’ at ‘inefficient’ kaya lumala nang husto ang sitwasyon ng COVID-19 cases.
Giit ni Zarate, kung nakinig lamang sana noon ang administrasyong Duterte sa pagpapatupad ng free mass testing, agarang isolation at mabilis na rollout ng bakuna ay hindi sana natin mararanasan ang ganitong sitwasyon.
Muli namang nanawagan ang progressive solon sa pamahalaan na aksyunan na ang iminumungkahing medical at health solutions bago pa man mahuli o maging “worst” o malubha na ang kalagayan ng bansa sa COVID-19.
Hindi naman bilib si Zarate sa panibagong paghihigpit na ipinatutupad mula kahapon, March 22 hanggang sa Abril 4 dahil wala namang maibibigay na ayuda para sa mga kababayang higit na maaapektuhan ng panibagong restrictions.