Gobyerno, tiniyak na humahanap ng paraan para tugunan ang epekto ng sunod sunod na oil price hike

Patuloy na naghahanap ng paraan ang pamahalaan upang mapagaan ang epekto sa bansa ng sunod sunod na oil price hike, sa gitna pa rin ng nagaganap na gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Pahayag ito ni Energy Undersecretary Gerardo Erquiza Jr., kasunod ng sinabi ng ilang grupo na hindi sapat ang dagdag ₱1 pasahe sa jeep, maging ang mga fuel subsidy na ipinagkakaloob ng gobyerno, upang tugunan ang kanilang mga hinaing.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi nito na patuloy ang gobyerno sa pagaaral ng mga long term solution na tutugon sa usaping ito.


Kabilang na ang muling pagsilip sa mga batas, tulad ng Oil Deregulation Law.

Aniya, kahit nasa gitna ng transition period ang pamahalaan, makakaasa ang mga Pilipino na kabilang sa mga report na ipapasa nila sa susunod na administrasyon ay ang pagtitiyak na magpapatuloy ang mga benepisyo na maaaring ipaabot ng pamahalaan sa mga sektor na pinakaapektado ng oil price hike.

Facebook Comments