Gobyerno, tiniyak na patuloy na nakakatanggap ng tulong ang mga mangingisdang apektado ng patuloy na pagtataboy ng China Coast Guard sa West Phil Sea

Nagpapatuloy ang pagtulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga mangingisda na apektado ng pagtataboy ng Chinese Coast Guard sa mga karagatang sakop ng bansa.

Sa Bangon Pilipinas Ngayon, sinabi ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera na bagaman sadyang may mga hamon sa pangingisda sa ilang bahagi ng karagatang sakop ng bansa, hindi sila tumitigil sa pagsuporta sa mga mangingisda.

Sa katunayan ay nagsagawa sila ng refueling o pagbibigay ng libreng langis o gasolina nitong Agosto sa mga mangingisda sa panatag shoal.


Mayroon na rin aniya silang inilunsad na layag West Philippine Sea livelihood intervention program o 80 milyong pisong halaga ng programa para sa libreng bangka para sa mga mangingisda.

Kaugnay nito, hindi rin aniya tumitigil ang gobyerno sa pagpapadala ng diplomatic protest laban sa patuloy na mapangahas na mga aktibidad ng China Coast Guard sa Exclusive Economic Zone ng bansa.

Hindi aniya papayag ang Pilipinas na magsawalang kibo na lamang sa halip patuloy na igigiit ang karapatan sa West Philippine Sea.

Facebook Comments