Gobyerno tiniyak na popondohan ang PhilHealth saka-sakaling umabot sa puntong mawalan na ito ng pondo

Siniguro ng Palasyo na kung magkatotoo man ang sinasabi ni Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) acting Senior Vice President Nerissa Santiago na mawawalan na ng pondo ang state insurer pagsapit ng 2021 ay sasaluhin ito ng gobyerno.

Naniniwala si Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na kung premium lamang ang aasahan at panggagalingan ng pondo ng PhilHealth ay paniguradong hindi makakamit ang libreng gamot ng mga Pilipino.

Una nang sinabi ni Santiago na ang pagbaba sa kanilang koleksyon at ang pagdami ng benefit payouts bunsod ng COVID-19 pandemic ang dahilan kung bakit umaaray ngayon ang PhilHealth.


Pangamba pa nito na baka umabot sa P147 billion ang lugi ng PhilHealth kung magtutuloy-tuloy ang pandemya hanggang 2021.

Ito ay sa kabila ng iregularidad at umano’y katiwalian na kinakaharap ng ilang PhilHealth officials.

Samantala, sinabi ni Roque na nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ni Undersecretary Jesus Melchor Quitain ng Office of the Special Assistant to the President na siyang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyasatin ang umano’y korapsyon sa PhilHealth.

Facebook Comments