Tuloy ang paghikayat ng pamahalaan sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nasa Lebanon na makauwi na ng bansa lalo na’t magulo ang sitwasyon ngayon doon.
Ang pahayag ay ginawa ng Palasyo sa harap na rin ng Beirut explosion kung saan hindi bababa sa 78 katao ang nasawi at higit 4,000 ang sugatan.
Sa panig ng mga Pilipino, 2 ang nasawi, walo ang sugatan habang nawawala ang 11.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi nagbabago ang pagiging bukas ng gobyerno para sa mga kababayan nating nais na makauwi ng bansa.
Paliwanag ng kalihim, noon pa man ay may inilabas ng advisory ang pamahalaan sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa Lebanon at ngayon ay mas paiigtingin pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kanilang hakbang para ma-repatriate pabalik ng bansa ang ating mga kababayan.
Sa huling datos ng DFA, nasa 33,000 ang mga Pilipino sa Lebanon kung saan 75% sa mga ito ay naninirahan sa Greater Beirut area.