Manila, Philippines – Inamin ni Health Asst. Sec. Eric Tayag na walang available na bird flu vaccines sa bansa sakaling may tao mang magkasakit ng dahil dito.
Ito ay kasunod na rin ng Avian Flu outbreak sa San Luis, Pampanga kung saan ilang poultry farms na ang apektado at humina na rin ang bentahan ng manok sa mga pamilihan.
Sa ambush interview kay Tayag, sinabi nitong walang bird flu vaccines sa bansa pero madali namang humingi o magrequest nito sa World Health Org at sa international community sakaling may taong mahawa ng virus.
Pero kampante si Tayag na bihira lang ang nahahawa sa mga virus na makukuha sa mga poultry dahil kailangan ng direct contact para mahawa dito.
Sa ngayon ay wala pa silang naitatalang indibidwal na nahawa sa sakit mula sa manok.
Tiniyak din ni Tayag na ang mga manok na may avian flu virus ay ligtas pa ring kainin ng tao basta ito ay lulutuing mabuti.