Gobyernong malinis mula sa korapsyon, iiwanang legasiya ni Pangulong Duterte – Malacañang

Iginiit ng Malacañang na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-iwan ng legasiya kung saan halos malinis na ang gobyerno mula sa korapsyon.

Ito ang pahayag ng Palasyo kasunod ng kautusan ng Pangulo na magpatupad ng malawakang imbestigasyon sa gobyerno hinggil sa korapsyon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, prayoridad ni Pangulong Duterte sa nalalabing dalawang taon ng kanyang termino ang paglilinis sa pamahalaan.


Gustong patunayan ng Pangulo na mayroon siyang political will na kayang mabawasan ang korapsyon sa pamahalaan.

Aminado si Roque na hindi pa rin tuluyang mawawala ang korapsyon.

Sinabi rin ni Roque na nakukulangan ang Pangulo sa kasalukuyang anti-corruption efforts at batid na mayroong systematic corruption sa gobyerno.

Dahil pinangungunahan ng Department of Justice (DOJ) ang mega task force, sinabi ni Roque na mas maraming prosecutors ang mag-iimbestiga sa mga anomalya sa mga ahensya ng gobyerno.

Ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at iba pang ahensya ay iniimbitahan ng Palasyo na sumali sa task force ng DOJ.

Facebook Comments