Gobyernong Marcos, hindi makikiisa sa balak ni dating Sen. De Lima na tumulong sa imbestigasyon ng ICC sa drug war ng dating administrasyong Duterte

Huwag umasa ng kooperasyon mula sa Pilipinas ang International Criminal Court (ICC) hinggil sa plano ni dating Senator Leila de Lima na tumulong sa imbestigasyon kaugnay sa drug war ng dating Duterte administration.

Matapos sumalang sa budget deliberation ang Office of the Solicitor General dito sa Senado, nilinaw ni Solicitor General Menardo Guevarra na walang pumipigil kay De Lima para tumulong sa imbestigasyon ng ICC.

Aniya, si De Lima ay isa na ngayong pribadong indibidwal at pribilehiyo ng dating senadora na tumulong sa ICC prosecutors.


Bukod dito, hindi lamang si De Lima kundi kahit sinong private individual ay malayang tumulong sa ICC prosecutors kung itutuloy man ng international court ang imbestigasyon sa bansa.

Magkagayunman, binigyang-diin ni Guevarra na huwag lamang aasa ang ICC na makikipag-cooperate ang pamahalaang Marcos, direkta o aktwal na kooperasyon man ito sa kanilang imbestigasyon dahil naninindigan ang ating gobyerno sa patuloy na pagkwestyon sa hurisdiksyon ng ICC na magsiyasat sa ating bansa.

Facebook Comments