Good governance, nakatulong sa pagbagal ng inflation — Malacañang

Tiniyak ng Malacañang na patuloy na lalakas ang ekonomiya ng bansa matapos bumagal pa sa 1.5% ang inflation noong Nobyembre.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, dahil ito sa mas maayos at tapat na pamamahala na nagbibigay ng tiwala sa mga mamumuhunan at sa publiko.

Malaking tulong din ang pagsisikap ng gobyerno na pababain ang presyo ng pagkain at tiyaking sapat ang supply ng bigas, gulay, at karne.

Kapag mababa ang presyo ng bilihin at matatag ang trabaho, mas dumarami ang paggastos ng mga pamilya — tanda ng masiglang ekonomiya. Dahil dito, magkakaroon din ng pagkakataon ang Bangko Sentral na ibaba ang interest rates para lalo pang gumanda ang negosyo at kabuhayan.

Sinabi rin ni Recto na buhay at aktibo ang investments sa bansa dahil mas pinadali na ang pagpasok ng pribadong sektor sa mga proyekto.

Bilang patunay ng good governance, iginiit ng Palasyo ang mga hakbang sa flood control scandal tulad ng pag-aresto at pag-freeze ng ari-arian ng mga sangkot at pagsusubasta ng mga ilegal na luxury cars.

Tinitiyak ng administrasyon na mas transparent at maayos ang paggamit ng pambansang pondo para sa 2026 upang ramdam ng bawat Pilipino ang benepisyo ng lumalakas na ekonomiya.

Facebook Comments