Manila, Philippines – Asahan na ang dagdag ayuda sa mga tsuper at operator ng mga pampasaherong jeep.
Ito ay matapos bawiin ng economic managers ng gobyerno ang rekomendasyong nagsususpendi sa excise tax sa produktong petrolyo sa susunod na taon.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, sa ilalim ng programang pantawid pasada, mula P5,000 gagawing P20,000 ang ayudang matatanggap ng kada benepisyado.
Samantala, pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hanggang Disyembre 15 mula Nobyembre 29 ang pamamahagi ng mga fuel subsidy card sa mga driver at operator ng mga pampasaherong jeep.
Ito ay para mabigyan ng sapat na oras ang mga tsuper na makuha ang kanilang fuel card na nagkakahalaga ng P5,000.
Sa halos 180,000 kwalipikadong humawak ng prangkisa, tinatayang nasa 66,000 ang naibigay nang fuel cards simula nang umarangkada ito noong Setyembre.