GOOD NEWS | Mahigit P2-B pondo ng DSWD ilalaan sa mga patapos na ng 4P’s

Manila, Philippines – Inihayag ngayon ni Budget Secretary Benjamin Diokno na naglaan ang Pamahalaan ng pondo para sa tinatawag na Sustainable Livelihood Program o SLP na siyang magbibigay ng tulong sa mga Pilipino na magkaroon ng sustainable na mapagkakakitaan.

Ayon kay Diokno, 2.3 billion pesos ang inilaan ng administrasyon para sa 2019 national budget at ito ay nakapaloob sa 136.8 billion pesos na proposed budget ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Sinabi ni Diokno na ang halagang inilaan ng Pamahalaan ay ibibigay sa mga kasama sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s lalo na ang mga transitioning families o mga patapos na sa 4Ps.


Paliwanag ni Diokno, ang SLP ay para hindi na bumalik sa status na mahirap o sa kahirapan ang mga nagtapos sa 4P’s.

Sa pamamagitan aniya ng SLP ay mabibigyan ng sapat na kaalaman at kakayahan ang mga sasailalim sa programa na siyang makapagbibigay ng mas mataas na posibilidad na magkatrabaho.

Binigyang diin din ni Diokno na ang pagsusulong ng mga magagandang kundisyon para sa human capital development ay susi para sa bayan na magkaroon ng magandang socio-economic stability ang Pilipinas.

Facebook Comments