Manila, Philippines – Tuturuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng financial management ang kanilang mga tauhang hindi makaiwas sa pagkakabaon sa utang.
Ayon kay AFP Spokesman Colonel Edgard Arevalo, iniutos na ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez Jr., na hindi dapat bumaba sa 15,000 ang take home pay ng mga sundalo.
Paliwanag ni Arevalo, ito ang minimum na halaga para makapamuhay ng disente ang isang sundalo at hindi papayagan ang pagkaltas ng bayad-utang kung bababa sa halagang ito ang matitirang take-home pay.
Ngunit bukod aniya sa limit na pwedeng magkaltas ng loan amortizations, isasailalim sa seminar ang mga sundalo para hindi sila utang ng utang.
Holistic approach aniya ang ginagawa ng AFP para hindi mabalewala ang pag-doble ng sahod ng mga sundalo at mapunta lang sa bayad utang.
Matatandaang, nabunyag ang problema ng ilang mga pulis na halos wa nang natira sa kanilang sweldo dahil sa labis na kaltas sa tambak nilang utang.
Kaya naman para hindi ito mangyari sa mga sundalo binigyang diin ni Arevalo na kailangan matuto din ang mga sundalo ng tamang paggastos ng pera.